Tsinoy interpreter tumestigo sa planong suicide ng Chinese na pumatay sa nobya

MANILA, Philippines - Inihayag ng isang 62-anyos na tour guide na nagsilbing interpreter na umano’y plano talagang magpakamatay ng Chinese national na si Gong Shu Yang, 25, na suspect sa pagsagasa at pananaksak sa nobya na napaulat naman­ na nagbaril sa sarili­ habang ibinibiyahe patungo sa Manila City Hall nitong Pebrero 3.

Sa sinumpaang salaysay ni Peter Chioa, narinig niya mismo sa bibig ni Gong sa salitang “Chinese” na nagpapaalam ito sa kaniyang tinatawag na ate, na kausap sa kabilang linya at nagbilin na kunin na ang lahat ng gamit sa kaniyang bahay dahil hindi na niya ito makikita.

Si Gong ay matatan­da­ang suspect sa pana­naksak at dalawang beses na sumagasa sa nobyang si Zhao Chun Lan.

Base sa narinig ni Chioa na sinasabi ni Gong sa ka­usap (translated version) “Ate pwede ba pumunta ka dito ngayong gabi, kung hindi ka makapunta ngayon ay bukas pumunta ka dahil baka ito na ang huli nating pagkikita dahil kasi marami akong ibibilin sayo na hindi ko pwedeng sabihin dito sa cellphone dahil me katabi ako na marunong mag-Chinese at ate ikaw lang ang may susi ng bahay ko pumunta ka doon at hakutin mo na ang mga gamit ko.”

Nabatid na si Chioa ay nasa tanggapan ng Homicide Section noong gabi na hinuli si Gong at nang maghanap ng interpreter ay siya rin ang ginamit upang magkaunawaan sila ng mga imbestigador.

Show comments