MANILA, Philippines - Nadakip na ng mga tauhan ng Caloocan City police ang suspect sa pagpaslang sa isang ginang at pagsugat sa tatlong anak nito kahapon ng umaga sa nabanggit na lungsod.
Nakakulong ngayon sa Caloocan City Police detention cell ang suspek na si Ivan Lou Climaco, 28, ng Libis Reparo St., Baesa, Brgy. 161 ng nasabing lungsod.
Si Climaco ay itinuturong sangkot sa pananaksak sa mag-iinang sina Ana Aguilio, 46, at mga anak na sina Justine Anne, 15; Arvin John, 13; at Alfer John, 11.
Nasawi sa insidente ang ginang, habang malubhang nasugatan ang kanyang mga anak. Nabatid na pinasok ng suspect ang bahay ng mag-iina matapos na magtanim ito ng galit dahil sa pagsingil ng ginang sa utang nitong P200.
Ayon kay Sr. Supt. Jude Santos, hepe ng Caloocan City Police, dakong alas-7:45 kahapon ng umaga ay papatakas ang suspek na si Climaco sa boundary ng Camachili, Caloocan at Caloocan City at magtutungo ito sa isang probinsiya.