MANILA, Philippines - Nahinto ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 makaraang madiskubre ang bitak sa isang bahagi ng riles nito sa may Guadalupe Station sa Makati City kahapon ng umaga.
Tiyempong “rush hour” na alas-6:30 ng umaga nang magkaaberya ang operasyon ng MRT nang ma-detect ng “automatic safety protocol system” ang problema sa may Guadalupe station.
Nang magsagawa ng inspeksyon ang mga technician ng MRT, dito nadiskubre ang bitak sa isa sa mga riles. Dito nagdesisyon ang pamunuan ng MRT na huwag nang padaanan ang Guadalupe station at putulin muna ang biyahe ng kanilang mga tren.
Dito nagpatupad ang MRT ng putol na biyahe mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Shaw Boulevard-Mandaluyong station lamang habang itinigil ang biyahe mula Taft Avenue-Pasay hanggang Guadalupe, Makati.
Dahil sa naturang aberya, libu-libong mga pasahero na papasok sa trabaho ang lubos na naabala at napuwersang makipag-unahan na lamang sa pagsakay ng pampasaherong bus sa EDSA. (Danilo Garcia at Mer Layson)