Mister nagbaril sa altar ng simbahan, patay
MANILA, Philippines - Tila humingi muna ng patawad bago tuluyang tinapos ng isang mister ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa harap mismo ng isang altar sa loob ng isang simbahan sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Si Gil Baniqued, 66, ay natagpuan na lamang naliligo sa sarili nitong dugo sa harap ng altar ng Holy Trinity Parish Church na matatagpuan sa kahabaan ng Chopin St., Ideal Subdivision, Capitol District sa lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Modestino Juanson ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, si Baniqued ay isa umanong retiradong US Veterans Affairs employee, residente ng Brgy. Commonwealth ay natagpuang walang buhay ng isang Elsa Flores, stay-in maintenance sa nasabing simbahan pasado alas-5 ng hapon.
Bago ito, nasa loob umano ng kanyang tinutuluyan si Flores nang makarinig siya ng isang putok ng baril mula sa loob ng simbahan.
Paglabas ni Flores ay doon tumambad sa kanya ang biktima na nakahandusay at naliligo sa sarili nitong dugo sa harap mismo ng naturang altar.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre 32 rebolbe at dalawang basyo ng bala.
Nagtamo ang biktima ng isang tama ng baril sa kanang sentido na naging sanhi ng kamatayan nito. May iniwan din umanong suicide note ang biktima na nagsasaad ng paghingi ng tawad sa kanyang asawa at mga anak.
- Latest
- Trending