Ex-Mayor, ipinaaaresto sa masaker
MANILA, Philippines - Iniutos na ng Manila Regional Trial Court Branch 8 ang pagdakip sa dating alkalde ng Gapan, Nueva Ecija na si Ernesto Natividad kaugnay sa akusasyong siya ang ‘utak’ sa pagmasaker sa magkapatid na Ericson at Ebertson Pascual at 3 iba pa, sa sabungan sa nabanggit na lalawigan, nong 2006.
Sa pag-iisyu ng warrant of arrest ni Judge Felixberto Olalia, laban kay Natividad sa kasong multiple murder na kinasasangkutan nito, walang itinakdang piyansa upang ito ay pansamantalang makalaya sakaling madakip.
Pinadalhan na rin ng kopya ng arrest warrant ang National Bureau of Investigation at iba pang law enforcement agencies upang maaresto ang nagtatagong si Natividad.
Ito’y bukod pa sa P1-milyong bounty money na nakapatong sa ulo ni Natividad na inilabas ng pamilya Pascual.
Samantala, ipinagtaka din umano ng pamilya Pascual at ng mga miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang pag-iinhibit ni Judge Olalia nang ipalabas nito ang kautusan, na anila ay posibleng dahil sa death threats na natatanggap.
Sa rekord ng korte, napatay ang magkapatid na Pascual at 3 iba pa sa sabungan na pag-aari ng pamilya Pascual noong Marso 20, 2006.
Bukod kay Natividad, kasama rin sa pinakasuhan sa korte ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang kapatid nitong si Romeo Natividad at umano’y hired killer na si Ricardo Peralta.
- Latest
- Trending