Ikakasal na call center agent, patay sa holdap

MANILA, Philippines - Ilang araw bago ang kanyang nakatakdang pagpapakasal, isang magandang call center agent ang nasawi maka­raang pumalag sa holdap sa Mandaluyong City, kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang biktima na si Ma. Fatima Blanco, 23, ng Brgy. Hagdang Bato Libis na nagtamo ng saksak sa kaliwang bahagi ng katawan. Nasawi si Blanco habang ginagamot sa Mandaluyong City Medical Center.

Samantala, agad namang nadakip ang suspect na si Ronald Lomibao, 19, out-of-school youth at resident ng Brgy. Addition Hills. Ayon sa ulat, pauwi na ang biktima dakong alas-4:10 ng mada­ling-araw nang harangin ng suspect at hinoldap.

Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng nanlaban ang biktima dahilan para saksakin ito ng suspect at pagkatapos ay kinuha ang dala nitong handbag at tumakas.

Gayunman, napansin ng mga tauhan sa barangay ang komosyon kung saan nasabat ang suspect.

Ayon sa mga kaanak ni Blanco, nakatakda na sana itong pakasal sa kasintahan sa buwan na ito, bago naganap ang insidente.   

Show comments