Maynila pabor sa pagbabawal ng Styrofoam
MANILA, Philippines - Pabor ang lungsod ng Maynila sa panukala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuluyan nang itigil ang paggamit ng styrofoam sa taong 2013.
Sa panayam kay City Engineer Armand Andres, dapat lamang na itigil na ang paggamit ng styrofoam dahil ito ang pangunahing bumabara sa mga kanal at estero.
Ayon kay Andres, hindi lamang styrofoam ang dapat na ipagbawal kundi maging ang plastic dahil ang mga ito ay hindi natutunaw.
Aniya, kahit anong paglilinis ang gawin ng mga kinauukulan sa mga kanal, estero at maging sa pumping hangga’t may nagtatapon ng styrofoam at plastic ay hindi rin magiging malinis ang mga ito.
Nabatid kay Andres na makikipagpulong sila sa mga establisimyento kaugnay sa paggamit at tamang pagtatapon ng styrofoam.
Samantala, tiniyak din ni Andres na nagsisimula na silang maglinis ng mga estero bilang paghahanda sa tag-ulan.
Aniya, ginagawa ng city government ang lahat ng paraan upang maiwasan ang pagbaha sa ilang mga lugar sa lungsod.
- Latest
- Trending