MANILA, Philippines - Patay na rin ang Chinese national na pumatay sa kanyang nobyang Chinese makaraang agawin ang baril ng kanyang escort at iputok sa sarili habang patungo sa Manila Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings , sa Taft Avenue, Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Isinugod pa sa Philippine General Hospital (PGH) si Gong Shuyang, 25, subalit agad ding binawian ng buhay makalipas ang 30 minuto.
Ayon kay SPO1 Charles John Duran, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 9:10 ng gabi nang maganap ang insidente habang patungo sila Gong kasama sina PO3 Alonzo Layugan at PO2 Jason Ibasco na pawang mga sakay sa service vehicle ng Homicide Unit na may plakang SGK-371.
“Tiniyempuhan niya nung nahulog, nagliparan yung mga papeles. Nung dinadampot ko dahil katabi ko siya, hinablot niya yung nakasukbit na baril ko sabay putok, tumama sa ilalim ng baba niya,” ani Duran.
Isinailalim na rin sa paraffin test si Duran, Layugan, Ibasco at si Gong para madetermina kung may naganap na foul play o kung sino ang tunay na nagpaputok ng baril na ikinamatay ng uli
Nakipag-ugnayan na kahapon si MPD-Homicide Section chief, Sr. Insp Joey de Ocampo sa Chinese Embassy.
Matatandaang si Gong ay matagal na pinaghahanap ng mga awtoridad matapos na dalawang ulit nitong sagasaan at saksakin ang kanyang kasintahan na si Zhao Chun Lan noong Enero 14, dakong alas 4:30 ng madaling araw sa tapat ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Ang insidente ay nakunan ng closed-circuit television (CCTV) .
Naaresto naman si Gong sa kanyang tinutuluyang EGI Taft Tower sa Malate, Maynila noong Pebrero 2, alas 11:30 ng gabi.
Ayon kay De Ocampo, tinangka ding tumalon sa gusali ni Gong nang hulihin nila ito.