'Holdaper' pinabulagta

MANILA, Philippines - Napaslang ang isang 39-anyos na mister na sinasabing notoryus na holdaper matapos pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa Brgy. Pinagbuhatan sa Pasig City kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa ulo at batok ang biktimang si Chito Ramos, may-asawa, ng M.H. del Pilar Street, sa nasabing barangay. Sa imbestigasyon ni PO3 Romeo Sayson, naka­sandal sa poste ng kuryente ang biktima nang lapitan at ratratin ng gunman. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay kilalang holdaper sa nasabing barangay at posibleng pinatahimik. Nabatid na walang plano ang asawa ng biktima na magsampa ng kaukulang kaso laban sa gunman matapos pumirma sa police blotter.

Show comments