MANILA, Philippines - Pito katao ang nasugatan makaraang walang habas na paputukan sila ng baril ng isang hindi nakikilalang suspect na nag-amok sa lungsod ng Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 11, ang mga biktima ay nakilalang sina Norman Paglingayen, 28; Ricky Shine Gaspan, 17; Mark Anthony Ignacio, 18; Howard Go, 15; Lovely Palmes, 18; Marie Hoyohoy, 16; at Jennica Magalona, 21; pawang mga residente sa Brgy. Tatalon sa lungsod.
Inaalam naman ng awtoridad ang pakakakilanlan ng suspect na sinasabing dating security guard ng Mandarin Security Agency sa Masaraga St. ng nasabing barangay.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO2 Joseph Cortez, nangyari ang insidente sa panulukan ng Masaraga St., at Kaliraya St., Brgy. Tatalon ganap na alas-12:30 ng madaling araw.
Bago ito, sakay umano ng kotse ang suspect nang madaanan nito ang grupo ng mga nag-iinumang kalalakihan.
Nang makita umano ang suspect ng grupo ay kinursunada nila ito at binugbog, hanggang sa makatakbo ang huli patungo sa eskinita.
Ilang sandali, bumalik ang nasabing suspect na armado ng kalibre 9mm na baril at walang habas na nagpaulan ito ng bala sa lugar hanggang sa tamaan ang mga biktima.
Samantala, sa bersyon naman ng ilang mga residente, bago umano nangyari ang insidente, sakay ng kanyang sasakyan ang suspect at pilit na isinasakay ang isang babae, pero tinanggihan siya.
Nakita ito ng isang lalaki at pinagsabihang huwag mambabastos ng babae, dahilan para sila magtalo, hanggang sa umalis ang suspect at nang bumalik ay armado na ng baril at walang habas na pinaputok ito.
Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.