MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng mga Manila Police District (MPD) ang 25-anyos na Chinese national na dalawang beses na sumagasa at sumaksak sa kanyang nobyang Intsik din kamakailan sa harap ng gusali ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa service road ng Roxas Boulevard, Malate, Maynila.
Kinilala ang suspect na si Gong Shuyang, 25, nanunuluyan sa EGI Taft Tower, Taft Avenue, Malate, Maynila.
Si Gong ay nadakip sa ground floor ng Taft Tower, habang ito ay nakatayo kamakalawa dakong alas-11:30 ng gabi, matapos itimbre ng isang impormante na nasa lugar ito.
Narekober dito ng pulisya ang Nissan Zefiro (XAY-741) na ginamit nito sa pagsagasa sa kanyang nobyang si Zhao Chun Lan. Nabatid na pinalitan ng suspect ang orihinal na plaka ng WSX-384, na umano’y ninakaw ni Gong mula sa isang Julie Ann Santos na nakaparada sa Malate, Maynila.
Sa beripikasyon ng pulisya sa rekord ni Gong nalaman na marami itong kasong estafa at lulong sa sugal sa casino.
Sinabi ni Gong na nagawa niyang patayin ang girlfriend dahil pinagbabantaan umano siya nito at tinatakot kapag hindi siya nagbigay ng P1.3 milyon, partikular na ang kanyang ama na pinuntahan pa umano ng biktima, kasama ang apat na lalaki.
Gayunman, sa imbestigasyon ng pulisya, nalaman na tinangay pa nga ni Gong ang malaking halaga na pera ng biktima nang umuwi sila sa China para ipalaglag ang dinadalang sanggol ng huli at habang nasa ospital ang babae ay tinangay umano ni Gong ang pera nito at mula noon ay hindi na nagpakita.
Nang makarekober naman ang biktima ay bumalik sa Pilipinas at hinanap si Gong para bawiin ang tinangay nitong pera.
Nakilala ang suspect sa CCTV camera na ipinagkaloob ng BSP sa MPD, gayundin ng testigong si Medilyn Leonardo, na nakakita sa pag-aaway ng dalawa bago sagasaan ang biktima.