Arabo natagpuang patay sa apartelle
MANILA, Philippines - Ang masangsang na amoy ang naging susi upang madiskubre ang nabubulok nang bangkay ng isang Arabo sa kanyang tinutuluyang apartelle sa Malate, Maynila.
Nakilala ito na si Ali Mohammed Karam Ghuloum, 49, ng Al Ain United Arab Emirates, at pansamantalang nanunuluyan sa Room 303 ng Sandico Apartelle na nasa 1225 M.H. del Pilar St., panulukan ng Padre Faura, Malate, Maynila.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Jose Gumilan ng MPD-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng madaling- araw nang madiskubreng patay ang biktima sa tinutuluyan nitong kuwarto sa apartelle.
Ayon kay Gladys Mae Bahinting, stay-in clerk ng apartelle, huli nitong nakitang buhay ang biktima noong Enero 30 dakong alas-4:00 ng madaling-araw at hindi na nito nakita pang muli.
Dahil sa hindi na madalas makita ang biktima, pinuntahan ni Bahinting ang kuwarto ni Ghuloum kung saan naka-lock ang pintuan ngunit may naamoy itong hindi kanais-nais kaya agad siyang humingi ng tulong sa security guard upang buksan ang pinto.
Nang mabuksan ang kuwarto ng biktima ay dito nila nadiskubreng nabubulok na ang katawan ng biktima at masangsang na ang amoy kaya agad na ipinagbigay-alam sa pulisya. Wala namang nakitang sugat o anumang palatandaan na pinahirapan ang biktima.
Dahil dito, agad ng nakipag-ugnayan ang MPD-Homicide Section ang insidente sa U.A.E. Embassy hinggil sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending