Robot na traffic enforcers, pinaiimbento
MANILA, Philippines - Hinamon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang grupo ng mga batang “award winning inventors” na bumuo ng isang robot na traffic enforcer na kayang makatunog ng traffic violations.
Pinarangalan nitong nakaraang Lunes ng MMDA ang high school team ng Dr. Yanga Colleges, Inc. (DYCI) ng Bocaue, Bulacan makaraang makopo nito ang ikaapat na puwesto sa World Robot Olympiad sa Abu Dhabi nitong nakaraang Nobyembre 2011.
Ang kanilang imbensyon na robot na pinangalanang “MAGIS” ay kayang maka-detect ng pagbabaha, body temperature, blood pressure at iba pa. Kaya rin nitong makipaglaro at magpakita ng masaya at malungkot na emosyon.
Hinamon ni Tolentino ang mga bumubuo ng grupo na sina Romy Gimeno, Chelsea Morales, Alexandra Mae Guevarra, Claire Receli Renosa at coach Beryl Cruz na lumikha naman ng Robot Traffic Enforcer para sa ahensya na ilalagay nila sa mga istratehikong interseksyon sa Metro Manila.
Sinabi naman ni coach Cruz na kasalukuyang abala muna sila sa paglikha ng isang robot na may kakayahan naman na maka-detect ng “botcha” o “double dead” na karne na maaaring magamit ng mga awtoridad sa inspeksyon sa mga katayan at pamilihan.
Ngunit sa kabila nito, nangako pa rin si Cruz kay Tolentino na tutuparin nila ang kahilingan nito na maaari nilang magawa sa ibang panahon.
- Latest
- Trending