Fast food at gasolinahan hinoldap ng riders
MANILA, Philippines - Nagpiyesta dahil umano sa kawalan ng sapat na seguridad ng Marikina City Police ang mga holdaper makaraang magkasunod na holdapin ang isang fast food restaurant at ang katabing gasolinahan, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Iniulat na lamang sa Marikina Police ang naganap na panghoholdap ng supervisor ng Binalot Restaurant na si Agnes Tumala, 29, kasama ang security guard na si Manny Rosqueta, 39, nakatalaga sa Sea Oil gas station, at ang kahero na si Sanny Ingua, 37.
Hindi naman namukhaan ng mga biktima ang limang suspek na pawang nakasuot ng maskara at armado ng .45 na kalibre ng baril at sakay ng dalawang motorsiklo.
Sa kanilang sumbong sa Marikina City Police, naganap ang panghoholdap dakong alas-6:45 ng gabi sa naturang gasolinahan at fast food restaurant na magkatabi sa Paraluman corner Paraiso Sts., Brgy. Parang.
Nabatid na bigla na lamang dumating ang mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo at dinisarmahan ang guwardiyang si Rosqueta saka nagdeklara ng holdap sa gasolinahan. Humiwalay naman ang iba sa mga holdaper at pinasok naman ang Binalot restoran na nilimas rin ang kaha.
Matagumpay na nakatakas ang mga salarin . Tinatayang aabot sa P50,000 ang halaga ng mga pera na natangay ng mga salarin bukod pa sa cellphone ng inabutang mga biktima.
Matatandaan na naglabas ng “all-out-war” si PNP Chief, Director General Nicanor Bartolome laban sa mga kriminal na “riding in tandem” nitong Enero 22 makaraang maalarma sa mataas na antas ng krimen dulot ng naturang mga kriminal. Kabilang dito ang paglalagay ng checkpoints at dagdag na police visibility sa mga negosyo at establisimiyento.
- Latest
- Trending