MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng sinibak na si NBI director Magtanggol Gatdula sa korte na marami sa kanyang civil rights ang nalabag ng Department of Justice (DOJ) sa umano’y railroaded na resulta ng imbestigasyon kaugnay sa kidnapping at extortion na inaakusa laban sa kanya ng Japanese national na si Noriyo Ohara.
Humarap kahapon si Gatdula sa pagdinig sa sala ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 8 Judge Felixberto Olalia upang hilingin na palawigin pa ang una nang ipinagkaloob sa kanyang 72-hour temporary restraining order (TRO) ni Manila RTC Branch 22 Judge Marino de la Cruz Jr. noong nakalipas na Biyernes.
Una nang naghain ng urgent petition for certiorari and prohibition si Gatdula upang maharang ang pagsasagawa ng preliminary investigation laban sa kanya ng DOJ kaugnay sa kidnapping at extortion.
“Kami ay nag-argue sa korte para hingin ang ekstensyon ng 72-hour temporary restraining order. Sa aming palagay, nasa panganib si Director Gatdula to be prosecuted despite violations sa kanyang civil rights as a result of what we believe was a railroaded recommendation of the DOJ,” ayon sa counsel ni Gatdula na si Atty. Abraham Espejo.
Ani pa ni Espejo, bukod sa nalabag na ang apat na constitutional rights ng kanyang kliyente tulad ng right to due process, right against self-incrimination, the right to remain silent at the right for a counsel during an investigation, nangangamba siya na madiin sa kaso at makulong dahil walang kaukulang piyansa ang nasabing mga kaso.
Binigyan naman ni Olalia ng 4 na araw si Gatdula at ang Solicitor General na kumakatawan sa DOJ fact-finding panel at kay De Lima na magsumite ng kani-kanilang memoranda sa extension ng TRO.
Kasabay nito ay inatasan din ang OSG na maghain ng komento sa loob ng 15 araw kaugnay naman sa petition for a preliminary injunction sa naging rekomendasyon ng DOJ laban sa kanya.