MANILA, Philippines - Nakumpiska ng mga anti-drug operatives ang 8 kilong shabu shipment na galing sa China na ang halaga ay aabot sa 40 milyong piso habang arestado naman ang isang negosyanteng Filipino- Chinese matapos i-deliver sa condominium unit nito ang droga sa isinagawang operasyon sa Brgy. Ugong Norte, Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Executive Director Jose Gutierrez Jr. ang nasakoteng suspect na si Marvin Sia, 27.
Ayon kay Gutierrez, bandang alas-8:30 ng umaga nang masakote ng pinagsanib na operatiba ng PDEA at Bureau of Customs (BOC) ang suspek habang tinatanggap ang shabu package na galing China sa condominium unit nito sa Unit 21 B Enclave Townhouse, Greenmeadows Subdivision, Brgy. Ugong Norte ng nasabing lungsod.
Sinabi ni Gutierrez, na inalerto ang kanyang tanggapan ng mga opisyal ng Customs na naglalaman ng shabu ang package na dumating sa Diosdado Macapagal International Airport sa Clark, Pampanga gamit ang isang courier service.
Nabatid na ang nasabing package ay idineklarang sodium tungstate na idineliber ng isang courier service na nakabase sa Pasig sa door-to-door delivery sa condominium ni Sia sa Greenmeadows Subdivision sa Brgy. Ugong Norte ng lungsod.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga opisyal kung sino ang sindikato ng illegal na droga na nasa likod ng nasabing shipment ng malaking bulto ng illegal na droga.