MANILA, Philippines - Nagpasalubong kay kamatayan ang isang hindi kilalang lalaki matapos na mag-dive mula sa ika-28 palapag ng condominium sa Mandaluyong City kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng biktima na tinatayang nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’5’’ talampakan, medyo may katabaan, nakasuot ng berdeng t-shirt na may tatak na Nike at itim na short pants.
Sa inisyal na ulat ni SP02 Disilito Custodio ng Criminal Investigation Unit ng Mandaluyong City PNP, dakong alas-12:33 ng madaling-araw nang mahulog ang biktima mula sa ika-28 palapag ng G. A. Tower sa panulukan ng Epifanio Delos Santos Avenue at Boni Avenue sa Mandaluyong City.
Ayon sa ilang saksi, nakarinig sila ng malakas na kalabog at nang usisain ay bumulaga ang duguang katawan ng lalaki.
Sinabi pa ni Custodio na nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng condominium kaugnay sa naganap na insidente.
Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong suicide o kaya sinadyang ihulog ang biktima.