MANILA, Philippines - Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) matapos madakma ang dalawang Taiwanese at isang Chinese na sinasabing notoryus na drug trafficker kung saan nakumpiskahan ng P100 milyong halaga ng shabu sa inilatag na buy-bust operation sa San Juan City, Metro Manila noong Sabado ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Ismael Fajardo, PNP-AIDSOTF executive officer ang mga nasakoteng suspect na sina Hoi Heng Hung, Chinese national; Lin Ho Seng at Lin Hong Beng na kapwa Taiwanese national.
Dakong alas-2 ng hapon nang masakote ang mga suspect sa isinagawang buy-bust operation sa parking lot ng Cardinal Santos Hospital sa San Juan City.
Nabatid na alas-8 pa lamang ng umaga ay nakipag-deal na ang mga awtoridad sa tatlo pero medyo naantala ang pag-aresto dahil hindi kaagad nagkasundo sa mode of payment sa binibili ng mga poseur buyer na 20 kilo na shabu.
Nais ng mga suspect na ideposito ng mga nakaposteng operatiba ng PNP-AIDSOTF ang pera sa banko hanggang sa makumbinse ang mga ito na abutan na lamang ang deal na nagresulta sa kanilang pagkakabitag.
Nadakma ang tatlo habang nasa loob ng Nissan Cefiro (HAL 662) habang iniaabot sa poseur buyer ang bulto ng shabu sa halagang napagkasunduang P5-M downpayment.
Samantala, idedeposito na lamang sa banko ang malaking halaga ng perang balanse para sa P100 milyong transaksyon.
Nang halughugin ang sasakyan ay nakumpiska ang kabuuang 20 kilo na shabu matapos mabigo ang mga suspect na tumakas nang mapalibutan ng nakaalertong arresting team.
Magugunita na mahigit isang linggo na ang nakalipas ay nakumpiska ng mga tauhan ng PNP-AIDSOTF at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kabuuang P1 bilyong shabu sa isinagawang raid sa Caloocan City.