1 pang biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila
MANILA, Philippines - Isa namang hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan sa loob ng sako at itinapon sa tapat ng isang bahay sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ni SPO1 Charles John Duran, ng MMP-Homicide Section, ang bangkay na nasa edad na 40 hanggang 45, kulot ang buhok, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo na “Dragon” sa kanang braso, may tattoo rin ng mga pangalang “Boyet”, “Bon”, “Ryan”, “Doods”, at “Baquero” at sa kanang binti naman ay tattoo na “Bong Sputnik”.
Dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang madiskubre ang bangkay na nakasako bago isinupot sa garbage bag at iniwan sa panulukan ng Agoncillo at Remedios Sts. sa Malate.
Nang busisiin, nakitang binalot ng packaging tape ang mukha nito, may busal pa ng damit ang bibig, nakatali patalikod ang mga kamay, at ang leeg ay may nakakabit pang asul na plastic straw na ipinangsakal.
Isang barangay tanod na si James Quirante, 36, ng Brgy. 690 Zone 75 ang nakapuna sa sako habang nagpapatrulya kasama ang iba pang tanod sa lugar.
Nang alamin ang inakalang basura lamang, nakita ang nasabing bangkay kaya ipinaalam sa pulisya.
- Latest
- Trending