Single ticketing system, hindi makakaalis sa kotong - Piston
MANILA, Philippines - Malaki ang paniwala ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators nationwide (PISTON) na hindi maaalis ng inaprubahang uniform ticketing system ng Metro Manila Council ang korapsiyon sa lansangan.
Ayon kay Goerge San Mateo, national president ng Piston, kahit pa ipatupad ang uniform ticketing system sa Metro Manila, hindi nito maaalis ang kotong dahil hindi lamang naman ang local enforcers ang nangongotong sa mga motorista kundi maging ang enforcers din ng MMDA at Land Transportation Office (LTO)
“Hindi lang naman local enforcers ang nangongotong eh, pati na rin enforcers ng LTO at MMDA kaya hindi kami kumbinsido diyan sa uniform ticketing sa localities sa Metro Manila ipatupad man yan tuloy pa rin ang kotong,” pahayag ni San Mateo.
Noong nakalipas na Biyernes ay inaprubahan ng Metro Manila Council ang pagpapatupad sa single ticketing system sa hanay ng mga traffic enforcers ng mga lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila o nangangahulugan na isang citation ticket lamang ang kanilang gagamitin sa Metro Manila para umano mawala ang kotong sa mga lansangan.
Sinabi pa ni San Mateo, nais munang malaman ng kanilang hanay kung magkanong halaga ng traffic violation penalties ang bayarin sa uniform ticketing system.
- Latest
- Trending