3 tiklo sa paggawa ng pekeng sedula
MANILA, Philippines - Arestado sa isang entrapment operation ang tatlo katao sa aktong nag-iimprenta ng pekeng sedula sa tapat ng isang mall sa C. M. Recto, Sta. Cruz, Maynila.
Ipinagharap na ng kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code (falsification by private individual and use of falsified documents) at Article 176 ng RPC (manufacturing and possession of instruments or implements for falsification) sina Jayar Mercado,19, helper; Robert de Guzman, 22, graphic/file encoder, at Rhen Galanza, 22, errand boy.
Sa ulat ni Mayor’s Complaint and Action Team (MCAT) chief, retired Col. Franklin Gacutan, nagpanggap na bibili ng mga pekeng sedula ang dalawa niyang tauhan na kinagat naman ng mga suspect.
Dakong alas -3:00 ng hapon kamakalawa nang magpanggap na naghahanap ng mabibiling sedula ang dalawa sa kahabaan ng CM Recto kung saan nilapitan sila ni Mercado at inalok kung nais magpapagawa ng diploma, transcript o sedula. Nang sabihin ng dalawang poseur buyer na kailangan nila ng 2 booklets ng CTC ay agad na tinugon ni Mercado sa halagang P1,000.
Nasa aktong ginagawa sa computer ni De Guzman ang mga pekeng sedula nang salakayin na sila ng mga operatiba ng MCAT. Nakumpiska sa mga suspect ang 3OO piraso ng pekeng CTC at computers na ginagamit sa paggawa ng pekeng sedula.
- Latest
- Trending