Pastor niratrat, utas
MANILA, Philippines - Utas ang isang pastor nang barilin ito sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspect kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Patay na nang idating sa Martinez Hospital ang biktimang si Angelito Gutierrez, 53, pastor ng Jesus Source of Hope Christian Fellowship at isa ring negosyante na naninirahan ng Julian Felipe St., ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng idalawang tama ng bala ng baril sa ulo
Sa inisyal na report ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga sa tapat ng harap ng chapel ng Jesus Source of Hope Christian Fellowship habang nakikipag-usap ito sa ilang kakilala nang biglang sumulpot ang suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ito sa ulo.
Ayon sa kaibigan nitong si Bernie, nag-uusap sila ng biktima nang nakita niya ang papalapit na suspect na nagbunot ng baril at bigla na lamang pinaputukan ang biktima. Matapos ang pamamaril ay kaswal lamang na lumakad papalayo sa lugar ang suspect.
Bukod sa pagiging pastor, nagmamay-ari rin ng isang pawnshop ang biktima.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente. Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na pamamaslang.
- Latest
- Trending