7 smugglers ng ukay-ukay ipinagharap ng kaso
MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong kriminal ng Bureau of Customs sa Department of Justice (DOJ) ang pitong katao na nasa likod ng pagpupuslit ng P30-M halaga ng mga ukay-ukay.
Batay sa complaint affidavit na isinampa ng BOC sa Department of Justice, kabilang sa mga idinemanda sa kasong smuggling ay sina Ildefonso B. Malagonio, may-ari ng Heritage Asia International Products Trading at ang broker na si Nanneth M. Pacia; Marilyn T. Anunciacion, may-ari ng Global Dao, Mabalacat, Pampanga at mga kinatawan ng kompanya na si Carlos A. Torres, kasama rin ang broker na si Janneth M. Pacia; Ed Marvin M. dela Merced, may-ari ng Javseon Trading na nakabase sa Moriones, Tondo, Maynila at ang broker na si Eugenio B. Gardiola.
Ayon kay Customs Commissioner Ruffy Biazon, partikular na haharapin ng mga respondent ang kasong paglabag sa probisyon o Section 2503 ng Tariffs and Customs of the Philippines at Republic Act 4653 na nagbabawal sa importasyon ng mga gamit na o used clothing na kilala bilang ukay-ukay.
Una rito ay idineklara ng Heritage Asia International Products ang kanilang shipment na assorted garment ngunit naglalaman ng ukay-ukay na damit, bags at mga sapatos.
Assorted garments din ang deklarasyon ng Global WellTrade trading sa apat na container van na shipment subalit nadiskubre na mga used clothing din, bags, laruan at mga dekorasyong Pamasko. Sinabi naman ng Javeson Trading na mga furnitures and assorted lamps ang kanilang kargamento ngunit nang inspeksiyunin ng BOC ay natuklasang used clothings, bags, mga sapatos at laruan.
- Latest
- Trending