MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Philippine National Police (PNP) na pumalpak ang tatlong personnel ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF) sa pag-detonate ng isang vintage bomb na ipinalagare ng mga ito sa isang welding shop sa Taguig City na ikinamatay ng apat katao, dalawa rito ay sibilyan habang sampu pa ang nasugatan kamakalawa.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., mali ang proseso ng nasabing mga pulis sa pag-detonate ng World War II vintage 60 MM mortar na hindi ng mga ito dapat dinala sa welding shop at mataong lugar.
Sinabi pa ni Cruz na pinaiimbestigahan na ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang insidente gayundin kung nakasuot ng damit na pang-‘bomb squad’ ang naturang mga pulis.
Sa nasabing trahedya ay namatay sina PO2 Elizalde Bisaya, PO3 Jose Turalba; pawang miyembro ng SAF ng National Capital Region Police Office (NCRPO); Crisanto Daguio, may-ari ng welding shop at Riza Romualdo.
Patuloy namang isinasalba sa pagamutan ang isa pa na si PO2 Arnold Mayo na nagtamo ng 2nd degree burn sa kanyang mukha.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nabigo ang tatlo na i-disarm ang bomba sa una ng mga itong pagtatangka kaya dinala ito sa welding shop ni Daguio sa Lower Bicutan, Taguig City.
Ayon kay Cruz, mga bagong graduate sa bomb squad ng SAF ang mga pulis kung saan nilabag ng mga ito ang protocol sa ‘lethal ordinance’.
Inihayag ni Cruz na sa ilalim ng tamang proseso ay dapat sa isang bakanteng lote i-detonate ang bomba kung saan meron silang ‘disposal units’ sa Fort Bonifacio at maging sa Crow Valley sa Tarlac.