MANILA, Philippines - Timbog ang isang 42-anyos na lalaki habang gumagala na may dalang baril sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dinakma si Philip de Villa, ng Quezon City dahil sa illegal possession of firearm and ammunitions matapos makumpiska sa kaniya ang kalibre .45 baril at usurpation of authority nang magpanggap pa itong ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nang hanapan ng ID, wala itong maipakita.
Sa ulat, dakong alas- 7:10 ng gabi ng mapuna ng mga barangay tanod na naglalakad ang suspect sa Galicia St. Sampaloc. Maangas pa umanong sumagot ang suspect na siya ay NBI agent nang tanungin kung bakit may dalang baril.
Matapos beripikahin nabatid na hindi ito ahente ng NBI kaya diniretso ito sa presinto.