P37.5-M halaga ng shabu nasabat
MANILA, Philippines - Tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P37.5 milyon ng shabu at mga laboratory equipment ang narekober ng mga awtoridad na nakapaloob sa mga container van sa Maynila.
Ayon kay Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon, tumambad sa kanila ang mga ebidensiya matapos buksan ang anim na 20-footer container vans.
Nabatid na kinumpiska ng mga operatiba ng BOC Intelligence ang mga nasabing container van dahil na rin sa paglabag sa Tariffs and Customs Code of the Philippines at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 1992.
Batay sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sinasabing galing ng Taiwan ang nabanggit na mga kargamento.
Ang isinagawang inspection ay kasunod ng reports na natanggap ng PDEA hinggil sa tangkang pagpupuslit ng droga sa bansa, na nakalagay sa nasabing mga container vans.
Sinabi ni Biazon na tinangka umano ng W.A. Bitancor Enterprises, na nakabase sa Binondo, na ipasok sa bansa ang tatlong 20-footer container vans kamakailan na naglalaman ng sulfuric acid, butyl acetate at caustic soda na nagkakahalaga ng P26 milyon mula sa Taiwan sa pamamagitan ng Port of Manila ng walang clearance mula sa PDEA.
Ito rin ang nasabing kompanya na nagpasok din ng tatlong 20-footer container noong nakalipas ding Disyembre na naglalaman din ng shabu laboratory equipment at laptop computers na milyun din ang halaga.
- Latest
- Trending