Motorsiklo salpok sa SUV: 1 patay, 3 sugatan
MANILA, Philippines - Isa ang patay habang tatlo pa ang sugatan sa banggaan ng dalawang sasakyan sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon. Ayon sa ulat ng Quezon City Traffic Sector 2, nakilala ang nasawi na si Ralph Robert Artugue, 17, ng Pugo St. Amparo Ville, Caloocan City.
Samantala ang mga nasugatan naman ay sina Bryan Bortota, 17, John John Jaunege, 16, at Irineo Buitre, 29. Sila ay sakay ng Kawasaki Rouser na may plakang 3027-XJ.
Kinilala naman ang suspek na driver ng isang Mitsubishi Adventure na si Jomar Calimag-Tayamin, 30, ng North Olympus, Novaliches, Quezon City.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Zabarte Road, malapit sa gate ng North Olympus, Brgy. Kaligayahan, ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Sakay ng isang motorsiklo ang apat na biktima na minamaneho ni Buitre at binabaybay ang lugar nang biglang kumaliwa ang Mitsubishi Adventure na minamaneho ng suspek sa North Olympus at mabangga nito ang sasakyan ng mga biktima.
Dahil sa lakas ng pagkabangga, tumilapon sa kalsada ang mga biktima , sanhi upang magtamo ang mga ito ng matinding sugat sa katawan na ikinasawi ni Artugue.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries at damage to property ang kinakaharap ngayon ni Tayamin.
- Latest
- Trending