Rehabilitasyon ng LRT 1, sisimulan na
MANILA, Philippines - Umaasa ang Light Rail Transit Authority (LRTA) na mauumpisahan na ang rehabilitasyon ng 30-taong gulang na LRT Line 1 sa darating na Marso upang mapataas ang kalidad ng serbisyo at seguridad ng milyong pasahero nito.
Sinabi ni LRTA spokesman Hernando Cabrera na limang lokal na korporasyon at isang dayuhang kompanya na ang nagpahayag ng pagsali sa bidding para sa P1.06 bilyong kontrata sa naturang rehabilitasyon.
Kabilang dito ang DM Consunji Inc. (DMCI), Pilipinas Hino Inc., Jorgman Development and Planning Corp., Joratech Corp. at Miescorrail Inc. ang mga lokal na kompanya habang Japanese industrial giant Sumimoto Corporation ay nagpahayag din ng interes sa proyekto.
Nabatid na may limang bahagi ang planong rehabilitasyon sa LRT Line 1 na inumpisahan ang konstruksyon noon pang taong 1981 sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Unang isasagawa ang pagpapalit sa mga luma nang riles na may habang 23 kilometro mula Baclaran hanggang Monumento.
Ikalawang bahagi ang pagpapalit ng mga may sira nang “anchor bolts” na siyang sumusuporta sa “overhead cables” na nagbibigay ng elektrisidad para mapaandar ang mga tren na nagkakahalaga ng P150 milyon.
Ikatlong bahagi naman ang rehabilitasyon ng 21 units ng light rail vehicles (LRVs) o mga bagon at ng “chassis” ng mga ito na gagastos ng P150 milyon at restorasyon ng 14 pang units na may halaga namang P197 milyon.
Uumpisahan ang pagpapalit ng riles mula sa Abad Santos Station hanggang Baclaran at saka isusunod ang mula R. Papa station hanggang Monumento. Tiniyak naman ni Cabrera na hindi maaapektuhan ang transportasyon ng kanilang mga pasahero dahil sa gabi naman nila isasagawa ang pagpapalit ng mga riles.
- Latest
- Trending