MANILA, Philippines - Tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City at sa Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dalawa sa mga ito ang natagpuang nakahandusay sa isang kalsada sa Quezon City.
Dahil walang pagkakakilanlan, isinalarawan ang unang biktima sa pagitan ng 30 hanggang 35 anyos, kayumanggi, katamtaman ang pangangatawan, maikling buhok, 5’3” ang taas, naka- kulay light blue na shortsleeve t-Shirt, at maong pants; samantalang ang isa pang biktima ay tinatayang nasa 25 hanggang 30 anyos, kayumanggi, katamtaman ang pangangatawan, maikli ang buhok 5’3” ang taas, nakasuot ng itim na Adidas T-Shirt, maong short pants, at may naka-tattoo na “Chelsea” sa likurang bahagi ng katawan nito.
Ayon sa ulat natagpuan ang mga bangkay ng biktima ng nagdaraang residente sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue malapit sa Magnas St. sa Brgy. N.S. Amoranto, La loma sa lungsod ganap na ala-1:45 ng madaling-araw
Sa inisyal na imbestigasyon ng SOCO nagtamo ang mga biktima ang mga marka ng pagkakasakal na naging sanhi ang pagkamatay ng mga ito.
Samantala, sa Maynila, isa ring hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki ang natagpuang nakahandusay, may paso sa mukha at markado ng bigti sa leeg sa Muelle del Rio, Intramuros, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ng pulisya ang biktima sa edad na 35- 40, semi kalbo ang gupit, may taas na 5’8-5’10, nakasuot ng sleeveless na t-shirt na kulay maroon at maong na pantalon.
Nakita rin ang mga sugat sa mukha at ulo bukod sa marka ng pagkakabigti sa leeg.