MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos na mamaril ang grupo ng mga kalalakihan na nangholdap sa bahagi ng Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Romeo Menpin, 52, dispatcher, ng #1359 Juan Luna St., Tondo, Maynila; at Myra Arellano, 40, vendor, ng #1357-A Juan Luna Street na napuruhan sa likuran.
Samantala, sugatang naisugod sa ospital sina Mark Christian Piamonte at Jonardo Domingo, 38, ng #1357-B Juan Luna St., na binaril rin ni Bait sa hita, sa pagtatangka nitong sundan ang motorsiklo ng mga suspect na papatakas.
Sa ulat ni SPO1 Ramir Dimagiba ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa eskinita ng Coral Extension at Juan Luna St. sa Tondo.
Nagpapahinga si Menpin sa upuan nang lapitan at hablutin ng tatlo sa anim na kalalakihan ang kwintas na ginto nito.
Sa kapal ng gintong kwintas ay sumama ang katawan ni Menpin kaya nagawang manlaban nito subalit agad din siyang binaril sa ulo. Nang papatakas na ang grupo ng mga holdaper ay inatasan pa ng suspek na si Ernesto Gutierrez alyas Junior Bait na dumapa ang lahat ng taong nakikita niya habang ang mga papalapit na dumarating ay pinagbabaril kung saan nadamay namang namatay si Arellano.
Mismong ang dating hepe ng MPD-ANCAR na si P/Chief Insp. Pacito Joie Yape Jr. ang nagsabi na may mga opisyal sa pulisya at lokal na pamahalaan ang pinoprotektahan ang grupo ni Junior Bait kaya hindi nasawata.