Kelot lasog sa van

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang patay makaraang mabundol ng humahagibis na cargo van habang tumatawid sa Commonwealth Avenue, lungsod Quezon kahapon.

Kinilala ni P/Chief  Insp.  Maximo Sabio, hepe ng Traffic Sector  5 ang biktima na si Godofredo P. Tagbar, 42 ng Road 3, Minuyan 2, San Jose del Monte, Bulacan.

Nasa kustodiya naman ng TS-5 ang driver ng van na si Denver  Ferrer, 31, at nakatira sa Kapayapaan Village, Canlubang, Laguna.

Lumilitaw  sa imbestigasyon na nangyari ang insidente sa nasabing lugar ganap na alas-5 ng umaga. Sinasabing patungo  sa  direksiyon ng Jordan Plain  ang minamanehong Mitsubishi Aluminum van ni Ferrer at pagsapit sa kanto  ng Regalado Ave., bigla na lamang tumawid ang biktima at nahagip ito.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang biktima, pero nagawa namang maisugod ito sa Commonwealth Hospital  subalit idineklara  itong dead-on-arrival. Inihahanda na ang kasong reckless imprudence  resulting to homicide laban sa driver ng van.

Show comments