Shoot-to-kill order inutos ni Lim vs pinsang pulis ng torture cop
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng shoot-to-kill order si Manila Mayor Alfredo Lim laban sa isang pulis na pinsan ng torture cop na si Sr. Insp. Joselito Binayug at tatlo pang kasamahan nito na humoldap at pumatay sa isang negosyante kung saan sugatan naman ang kapatid at ama nito noong Enero 11 sa Binondo, Maynila.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Lim na inatasan niya sina MPD director Chief Supt. Alex Gutierrez, Homicide chief Sr. Insp. Joey de Ocampo at Station 11 chief, Supt. Ferdinand Quirante na paigtingin ang kanilang manhunt operation upang madakip sina PO1 Ernesto Binayug, Jr.; isang alyas “Mac” at dalawang iba pa na responsable sa panghoholdap sa mga negosyanteng sina Heidi Hsu, 26; Herbert Hsu, 24; at Tony Hsu, 67, sa panulukan ng Madrid at Lavezares St. Binondo, Maynila. Nabatid na namatay si Heidi sa insidente.
Lumilitaw sa report na sakay si Tony ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Lavezares St. nang makitang kinukuyog ng tatlo sa apat na suspect na armado ng baril ang kanyang mga anak na sina Heidi at Herbert. Nang malapitan ang kanyang mga anak upang tulungan, pinaputukan sila ng mga suspect.
Agad na tumakas ang mga suspect sakay ng motorsiklo kung saan tumulong naman ang ilang concerned citizen na nakakita sa insidente at dinala ang mga biktima sa Gat Andres Bonifacio Hospital.
Lumitaw ang pangalan ni Binayug sa ginawang mga follow-up operations ng pulisya kasabay ng kumpirmasyon na hindi na ito matagpuan sa kanyang bahay at hindi na rin ito nagre-report sa NCRPO kung saan ito nakatalaga.
Ayon kay Lim, nananatiling mapanganib si Binayug kung kaya’t kailangan ang pag-iingat habang isinasagawa ang manhunt dito.
Pinayuhan naman ni Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman si Binayug at kasamahan nito na sumuko na lamang at harapin ang kanilang kaso.
- Latest
- Trending