MANILA, Philippines - Dalawang negosyante ang hinoldap sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Malabon kamakalawa ng gabi.
Batay sa report ng Caloocan City Police, hinoldap si Jimmy Lim, 43, ng Kabulusan St., ng nasabing lungsod dakong alas-9:00 kamakalawa ng gabi.
Nabatid na sakay ang biktima at asawa nito ng isang pedicab nang harangin ng mga suspect habang binabagtas ang kahabaan ng Tilapia St., Dagat-Dagatan ng lungsod na ito na sakay naman ng tricycle.
Dalawa dito ang bumaba at tinutukan ng baril ang mga biktima at kinuha ang P15,000 cash at alahas na aabot sa P15,000 ang mga ito bago tumakas.
Samantala, anim na holdaper naman ang bumiktima sa negosyanteng si Efren Barnachea, 48, nakatira sa Gumamela St., Barangay Longos ng naturang siyudad.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali. Naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Gumamela St., ng naturang lungsod nang harangin ng mga suspect.
Habang nakatutok ang mga baril ay kinuha ng mga suspect ang pera, gintong kuwintas at cellphone na aabot sa P33,000 bago tumakas sakay ng tatlong motorsiklong hindi na nakuha ang mga plaka.