MANILA, Philippines - Arestado ang isang chairman ng Sangguniang Kabataaan (SK) at ang pinsan nito matapos pagtripang gulpihin ang isang 14-anyos na batang lalaki kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Nakakulong at nahaharap sa kasong physical injury in relation to child abuse ang mga suspek na sina Niño Icered Lazaro, 18, SK Chairman ng Brgy. 4 ng nabanggit na siyudad at ang pinsan nitong si John Jerry dela Torre, 23, kapwa residente ng Velasco St., ng naturang lugar.
Ang biktima naman ay itinago sa pangalang Sonny, nakatira sa Pili St., ng nabanggit na siyudad, nagtamo ito ng sugat, bukol at pasa sa kanyang katawan.
Sa pahayag ng biktima sa mga kagawad ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw habang siya ay naglalakad sa kahabaan ng A. Mabini St., ng naturang lungsod, nang lapitan at bigla na lamang pagtulungang bugbugin ng mga suspect na kapwa lango sa alak.
Nakita naman ng mga nagrorondang mga tanod ang pangyayari na naging dahilan upang tulungan ang biktima at dakpin ang mga suspect.
Giit ng biktima, wala naman siyang atraso o anumang kasalanan sa mga suspect kung kaya’t laking gulat niya nang bigla na lamang siyang kuyugin ng magpinsan.