MANILA, Philippines - Tatlong holdaper ang napatay matapos na makipagbarilan ng putok sa mga tauhan ng Manila Police District(MPD) sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila.
Agad na bumulagta ang dalawang hinihinalang “terror” ng mga estudyante ng College of St. Benilde na inilarawan lamang na nasa edad 25-30, may taas na 5’4’’, may tattoo sa tiyan na “Jimenez” at “Outlaw” naman sa dibdib, habang ang kasama naman nito ay tinatayang nasa edad 27-32 at may mga tattoo rin sa katawan at kapwa ito armado umano ng baril.
Ayon kay P/Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang panghoholdap sa biktimang itinago sa pangalang Mae, 19, estudyante ng CSB sa Kapitan Tikong St., Singalong, Malate, Maynila.
Nagpapatrulya umano ang ilang tauhan ng MPD-Station 9 sa pamumuno ni P/Supt. Ernesto Tendero Jr., nang lumapit umano sa kanila ang biktima at sinabing hinoldap umano ito at tinangay ang bag na naglalaman ng cellphone; hard drive na nagkakahalaga ng P5,000, ID, ATM at P3,000 na halaga ng pera.
Sanhi nito, agad na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya, at namataan ang dalawang suspect na lulan ng isang tricycle na umano’y ginamit na sasakyan sa pagtakas.
Hindi pa man nakakalapit ang mga pulis upang sitahin ang dalawa ay nagpaputok na,dahilan kung kaya gumanti ng putok ang pulisya hanggang sa humandusay ang dalawang holdaper.
Narekober naman ang bag ng biktima at ang isang snub nose na kalibre .38 na paltik at isang .22 na kalibre ng baril.
Samantala, dead-on-the-spot naman ang isa pang holdaper na nasa 25-30 ang edad, nakasuot ng puting pantalon at tsinelas na nagtamo ng tama ng bala mula sa mga tauhan ng Manila Police District PS 11.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni SPO2 Virgo Villareal ng Manila Police Disrict Homicide Section, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Federation of Filipino Chinese Chambers na matatagpuan sa panulukan ng Mulle dela Industria at Frenza St. sa Binondo, Maynila.
Nagpapatrulya ang tauhan ni Police Supt. Ferdinand Quirante PS-11 na miyembro ng Anti-Crime Operation matapos na maiulat na dalawang Chinese national na ang napatay sa lugar at mapansin ang dalawang hinihinalang holdaper na lulan ng motorsiklo.
Dito ay sinita ng mga awtoridad ang mga suspect kung saan ang isa ay pumalag at nagpapaputok na naging dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad at mapatay ang isa.
Ang bangkay ng biktima ay dinala na sa Cruz Funeral Parlor upang isalang sa kanyang awtopsiya at safekeeping.