MANILA, Philippines - Pinagpatuloy ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang kampanya laban sa mga frozen meat na iligal na ibinibenta sa mga palengke sa Taguig at Mandaluyong City.
Unang sinalakay ng mga tauhan ng NMIS ang Bicutan Public Market sa Taguig dakong alas-4 ng madaling-araw kung saan nakumpiska ang nasa 130 kilo ng mga frozen meat ng manok, baka at baboy.
Inabutan ng mga awtoridad ang naturang mga karne na wala sa tamang lalagyan at wala ring freezer na isa sa panuntunan sa pagbebenta ng mga frozen meat sa pamilihan.
Sunod na sinalakay ng NMIS ang Kalentong Public Market sa Mandaluyong dakong alas-5 ng madaling araw kung saan nakumpiska naman ang nasa 650 kilo ng mga frozen meat.
Iginiit naman ni Dr. Fernando Lontoc, hepe ng NMIS Accreditation, Registration and Enforcement Division, na ang mga kinumpiskang mga karne ay hindi nakalagay sa freezer kaya maaaring kontaminado na ang mga ito dahil sa hindi maayos na paghawak ng mga negosyante.