MANILA, Philippines - Dalawang binata na pinaniniwalaang nagpapakalat ng drogang “ecstasy” ang naaresto ng mga operatiba sa isinagawang anti-drug operation ng Quezon City Police District, iniulat kahapon.
Kinilala ni Chief Insp. Richard Tubiera Ang, hepe ng District Anti-Illegal Drug-Special Operation Task Group ng QCPD, ang mga suspect na sina Melchidek Canlapan, 19, ng Talipapa, Novaliches, QC; at Joe Lim, 28, ng Arellano St., Caloocan City.
Ayon sa ulat, ang dalawa ay nasakote matapos na maispatan habang pagala-gala sa may kahabaan ng Morato Avenue, Brgy. Sacred Heart sa lungsod.
Sinasabing ang anti-drug operation ay bunga ng impormasyong natanggap ng DAID-SOTG na “ecstasy” ang pangunahing isinusuplay ngayon sa mga bar sa nasabing lugar.
Bilang tugon sa nasabing impormasyon, agad na nagsagawa ng magkahiwalay na operation ang tropa sa nasabing lugar. Ganap na alas-8:30 ng umaga nang maaresto si Canlapan sa nasabing lugar, kasunod nito ang pagkaka-aresto naman kay Lim sa nasabi ring lugar.
Nasamsam umano kay Canlapan ang isang plastic sachet na naglalaman ng “ecstasy” habang kay Lim naman ay dalawang piraso nito.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang kinakaharap ngayon ng mga suspect.