MANILA, Philippines - Patay ang isang security guard habang sugatan naman ang kabarilan nito makaraang mauwi sa duwelo ang pagtatalo sa parking space sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Jomer Montalban, 20, security guard sa Villa Ortigas 1 at residente ng Bliss Homes Brgy. Hulo, Mandaluyong City.
Patuloy naman na ginagamot sa Cardinal Santos Memorial Hospital ang suspect na si Terrence Tong, 34, at residente ng 10th Avenue New Manila sa lungsod.
Ayon kay SPO2 Chris Ronquillo, nangyari ang insidente sa may parking area sa harapan ng Unit B-3 Villa Ortigas Homes, Brgy. Valencia, Cubao ganap na alas-8:10 ng gabi.
Sinasabing ang hindi pagkakaunawaan sa parking space ang sanhi ng pag-aaway ng dalawa na nauwi sa barilan, matapos na sitahin ng biktima ang suspect habang nagpaparada ito ng kanyang sasakyan sa nasabing lugar.
Sa duwelo ay agad na binawian ng buhay si Montalban, habang nagawa namang makasakay ng kanyang sasakyan si Tong at naihatid ang sarili sa Cardinal Santos Hospital para magamot sanhi ng tinamong tama ng bala sa binti.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang siyam na basyo ng kalibre 9mm na baril at tatlong basyo naman ng kalibre 38 na baril.
Ayon kay Ronquillo, hindi pa umano malinaw kung sino sa kanila ang unang nagpaputok ng baril dahil hindi pa makausap nang maayos ang suspect.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa insidente.