MANILA, Philippines - Dalawang beses nakaligtas sa kamatayan ngunit sa ikatlong kalabit ng gatilyo ay sumambulat ang ulo ng isang lalaki matapos na maglaro ng “Russian roulette” kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.
Hindi na umabot nang buhay sa Amang Rodriguez Medical Center si Rakem Taiting, 22, tubong-Marawi City at residente ng Home Owners Drive, Brgy. Sto. Niño, ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Charles Paquing, ng Marikina City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:40 ng madaling-araw sa bahay ng biktima habang nakikipag-inuman sa pinsang si Sharifolla Parantes, 22, at live-in partner na si Liza Causapin.
Nasa impluwensya na ng alak nang ilabas ng biktima ang kanyang kalibre .357 na baril at maisipang paglaruan ito.
Nagitla ang mga kainuman nang biglang paikutin ng biktima ang de bola na paltik na baril at saka itutok sa sentido.
Hindi pumutok sa unang kalabit ang baril kaya nagkalakas loob ito na muling ulitin. Muli namang binuwenas ang biktima at muling pinaikot ang de bola saka itinutok sa ulo sa ikatlong pagkakataon sa kabila ng pagsisigaw at pagpigil ng mga kainuman. Dito sumambulat ang ulo ng biktima nang kalabitin sa ikatlong pagkakataon.