PDEA naniniwalang 1 hanggang 2 shabu lab nakatayo sa bawat siyudad sa MM
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may isa hanggang dalawang shabu laboratory ang nakatayo sa bawat siyudad sa Metro Manila.
Ayon kay PDEA National Capital Region Director Pedrito Magsino, sa ngayon mahigpit na binabantayan nila ang mga exclusive subdivisions sa Metro Manila bunga na rin ng nasabing impormasyon na may posibilidad na may mga nakatayong shabu lab sa mga ito. Tinitingnan ng nasabing ahensya ang pagiging mahigpit sa seguridad na ipinapatupad sa mga subdibisyon kung kaya sinasamantala ito ng mga sindikato para magtayo ng shabu lab dahil hindi sila masyadong napupuna.
Sa ngayon, binabantayan pa rin ng PDEA ang ilang shabu lab sa Ayala Alabang at ang mga kalapit lugar nito.
Ipinagbigay-alam na rin nila umano ang mga kaganapang ito sa mga may-ari ng subdibisyon para na rin sa kanilang kapakanan. Nauna nang sinabi ng PDEA na pawang isang sindikato lamang ang may-ari ng tatlong laboratoryo ng shabu na sinalakay sa may exclusive subdivision sa Ayala Alabang, Muntinlupa.
Umapela si PDEA Director General Jose Gutierrez Jr., sa homeoweners’ associations ng bawat subdivision sa Metro Manila na makipag-cooperate sa awtoridad at agad na ipagbigay alam kung may nakikitang kahina-hinala aktibidad sa kanilang lugar.
- Latest
- Trending