Chairman ng Brgy. Ayala-Alabang kakasuhan
MANILA, Philippines - Maaaring sampahan ng kasong administratibo ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang barangay chairman ng Ayala-Alabang sa oras na mabigo itong magbigay ng tamang paliwanag kung bakit nagawang makapaglabas-pasok sa naturang exclusive subdivision ng mga internasyunal na sindikato ng iligal na droga.
Sinabi ni Omar Acosta, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City, na inatasan na ni Mayor Aldrin San Pedro si Barangay Chairman Alfred Burgos na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat masampahan ng kasong administratibo matapos mabuko ang mga shabu laboratory sa kanyang nasasakupang lugar.
Matatandaan na dalawang beses na sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang linggo ang dalawang bahay sa Ayala-Alabang Village na ginawang “kuta” ng operasyon ng isang sindikato ng iligal na droga. Ito’y sa kabila ng ipinatutupad na mahigpit na seguridad sa naturang subdibisyon na tirahan ng mga mayayamang pamilya.
Ayon kay Acosta, malinaw aniya sa umiiral na batas sa ilalim ng Local Government Code na kabilang sa mandato ng mga barangay officials ang pagpapanatili sa malinis, maayos at maginhawang kapaligiran sa nasasakupan nilang lugar kaya’t nakapagtatakang naisahan sila ng sindikato ng iligal na droga.
Labis aniyang nadismaya si Mayor San Pedro sa magkakasunod na pagsalakay ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Ayala-Alabang Village na nagresulta sa pagkakatuklas sa laboratoryo ng shabu.
Hindi rin inaasahan ng alkalde na maging ang mga opisyal ng homeowners association ay naging bulag at walang impormasyon sa nangyayaring ilegal na aktibidad sa loob ng naturang village gayung sobra ang higpit ng seguridad na ipinatutupad ng mga nakatalagang security personnel dito.
Nagtataka rin ang ama ng lungsod kung bakit nakatunog ang mga may-ari at miyembro ng sindikato sa pinakahuling pagsalakay na ginawa ng PDEA noong Biyernes ng gabi sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Kanlaon St. at Country Drive sa loob ng naturang village kaya’t walang nahuli ang mga awtoridad.
- Latest
- Trending