Tsinita sinagasaan na, sinaksak pa
MANILA, Philippines - Isang babaeng hinihinalang Chinese o Korean national ang pinatay sa saksak at sinagasaan pa ng isang lalaki sa tapat ng gusali ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan lamang ang hindi pa kilalang biktima sa edad na 20-25, singkit, balingkinitan, hanggang sa balikat ang haba ng buhok, maputi, nakasuot ng jogging suit.
Ayon sa inisyal na ulat ng Manila Police District-Station 9, makikita umano sa footage ng closed-circuit television (CCTV) na dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang huminto ang isang itim na kotse sa tapat ng nasabing gusali at bumaba ang babaeng biktima at isang lalaki.
Lumalabas na isa umanong Nissan Cefiro na may plakang XAY-741 ang nasabing kotse na gamit ng suspect sa pagtakas, habang naiwan sa pinangyarihan ang isang kitchen knife na may habang 8 hanggang 9 na pulgada.
Nakita umano ng bystanders na nagtatalo ang biktima at lalaki na muling sumakay sa kotse ang lalaki saka binundol ang biktima at muling bumaba bago sinaksak ang babae. Muling sumakay ng kotse ang lalaki bago sinagasaan pa ulit ang biktima at saka tumakas.
Nang makitang bulagta na ang biktima ay itinawag ito ng bystanders sa Ospital ng Maynila (OSMA) na kinuha ng ambulansiya.
Sa pagsusuri, may tatlong malalalim na saksak sa dibdib ang biktima at napisak pa ang ulo.
Nagsasagawa na rin ng beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO) ang Homicide Section upang matukoy kung kanino nakapangalan ang sasakyan para sa ikadarakip ng suspect.
Nakikipag-ugnayan na rin sa BSP ang Homicide Section para makuha ang kopya ng CCTV footage na gagawing batayan sa pagresolba ng kaso.
- Latest
- Trending