Tauhan ng recruitment agency ng 'babae sa malate', iimbestigahan
MANILA, Philippines - Isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ang tauhan ng recruitment agency na dapat ay susundo sa 20-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) na natagpuang patay sa loob ng kanyang maleta sa Ninoy Aquino International Airport carpark.
Iniutos ni Pasay City police chief Sr. Supt, Melchor Reyes na isailalim sa imbestigasyon si Jelyn Sawaban Onjal, alyas Boogie, isang tomboy, residente ng Modesto St., Malate, Manila at tauhan ng Saviormed Manpower Services.
Si Onjal ang napag-utusan ng agency na sumundo sa biktimang si Nidz Ailyn Bahjin sa NAIA nitong nakaraang Martes ng hapon. Ikinatwiran naman ni Onjal na nagtungo naman siya sa NAIA ngunit pumuti na umano ang mata niya sa kahihintay ay hindi ito dumating kaya nagpasya siyang bumalik sa kanilang opisina dakong alas-5 ng hapon.
Nilinaw naman ng pulisya na hindi pa suspek si Onjal ngunit hiniling ng mga imbestigador ang koordinasyon nito at ng mga opisyal ng agency kung magkakaroon ng development sa kaso.
Sinisi naman ng ama ng biktima na si Nidzmar Bahjin ang agency sa nangyari sa kanyang anak. Ito’y makaraang tumanggi umano si Rosalie Maldiza, isa sa opisyal ng agency na sila nang mga kaanak ang susundo makaraang padalhan sila nito ng P20,000 pamasahe ngunit hindi pumayag ang mga ito.
Napag-alaman na dumaing umano sa kanyang ama ang biktima na nais na niyang umuwi dahil nahihirapan na siya sa kanyang pinasukang trabaho kung saan lima ang batang kanyang inaalagaan.
- Latest
- Trending