MANILA, Philippines - Timbog ang tatlong lalaki na miyembro umano ng “Budol-budol gang” sa isang entrapment operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa panloloko nila sa mga dayuhang negosyante sa pagbebenta ng fake gold bars, na isinagawa sa Ermita, Maynila, kamakailan.
Kahapon ay iprinisinta sa media ni NBI Reaction, Arrest, and Interdiction Division (RAID) head agent, Atty. Jonathan Ross Galicia ang mga suspect at miyembro ng sindikato na nakatangay ng milyun-milyong piso sa mga foreign traders.
Lider umano ng nasabing grupo ang arestadong si Isagani Camson, 43, na diumano’y miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na naninirahan pa sa AFP Officer Village, Fort Bonifacio, Taguig City; Edilberto Cordeta, 54, ang nagsisilbing lookout; at ang driver ng grupo na si Alex Arca, 42.
Naganap ang entrapment sa isang five-star hotel sa M. Adriatico St., Ermita noong Enero 6.
Nagpapanggap umanong mga mayamang negosyante ang mga suspect upang makumbinse ang mga target na dayuhang negosyante na mag-invest sa gold bars dahil malaki ang kikitain.
Natuklasan na may apat na taon na ang operasyon ng grupo, kung saan modus operandi ang pagpapakita ng mga larawan ng gold bar, researched materials at mga lugar ng hidden treasures. Nagagawa pa nilang ipasuri sa harap ng mga investor ang sample na bitbit na tunay ang mga ginto kaya nakakapambiktima.
Isa sa nabiktima ang negosyanteng Hapones na si Takahashi Katsuji na nagbunyag na nakilala niya sa hotel sa bahagi ng Ortigas, Pasig ang mga suspect noong Agosto 16, 2010 at nahimok siya at mga kaibigan niyang Japanese nationals na bumili ng fake gold bars. Siya ay nakapagbigay ng P1.5 milyon kapalit ng pekeng ginto at naglaho na ang mga suspect matapos iyon.
Nitong 2012, muli niyang nakita ang mga suspect at sinubukan muli siyang biktimahin kaya idinulog sa NBI at agad namang kumilos ang grupo ng NBI-RAID, sa pamumuno ni Galicia.
Ginamit ng NBI ang isang Japanese national na nagpanggap na kayang bumili ng P5-milyong halaga ng gold bars kaya nalaglag sa kamay ng NBI ang mga suspect.