5 pulis sibak sa pagpuga ng Korean detainee
MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr. ang isang opisyal ng kanilang tanggapan at apat nitong tauhan na nakatalaga sa Southern Metro Manila kaugnay ng misteryosong pagtakas umano ng Korean gangster na si Kim Sung Kon na nasakote noong Disyembre 2011 sa Makati City.
Kasabay nito, ipinag-utos rin ni Pagdilao ang agarang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban kina Chief Inspector Ruben B Lacuesta, Chief ng South Metro Manila CIDG field office, SPO2 Jose Yong, PO3 Joaquin Rafael Florendo, PO3 Noel Bunal at PO2 Percival Villaluz.
Si Kon ay nasakote ng PNP-CIDG operatives kaugnay ng kasong illegal possession of firearms sa operasyon sa Makati City noong Disyembre 14 matapos itong mahulihan ng cal.38 pistol na walang lisensya . Ang kasamahan nitong si Kim Won bin ay nasakote rin na nakunan naman ng isang plastic bag na may 50 round na bala ng cal.45 pistol.
Sinabi ni Pagdilao na pinasimulan na rin ang summary dismissal proceedings laban sa naturang mga CIDG personnel kaugnay ng pananagutan ng mga itong administratibo at kriminal sa kaso.
- Latest
- Trending