Frat member, dedo sa boga

MANILA, Philippines - Sabog ang ulo ng isang 19-anyos na miyembro ng fraternity na Magic 5 matapos barilin sa ulo ng dalawang hindi nakikilalang suspect habang nakikipagkuwentuhan sa kanyang dalawang kaibigan, kahapon ng madaling araw sa Binondo, Maynila.

Nakilala ang nasawing biktima na si Mark Brian Balassolla, ng   San Miguel St.,Binondo, Maynila.

Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong ala-1:10 ng madaling araw sa harap ng San Miguel Ice Plant sa may San Miguel St.,Binondo, Maynila.

Nabatid sa mga kasama ng biktima na sina Josua Payanay, 17 at Maria May Tangpuz, 19, na nagkukuwentuhan sila nang biglang sumulpot ang dalawang suspect na nakasuot ng bonnet at ball cap sa kanang bahagi ng biktima.

Kaagad umanong tinutukan ng baril ang biktima sa ulo at saka pinaputok sa kanang sentido ng suspect na naka- bonnet.

Nang bumagsak ang biktima ay muli itong binaril ng suspect na nakasuot ng ball cap, saka tumakas patungo sa direksiyon ng Delpan bridge, Binondo, Maynila.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para ma­tukoy ang motibo ng krimen. Tinitingnan ang anggulong may kinalaman sa frat war.

Show comments