Deboto ng Nazareno hindi napigil sa banta ng terorismo
MANILA, Philippines - Hindi napigilan ang humigit-kumulang 9 na milyong deboto ng Black Nazarene na sumama sa mahabang prusisyon kahapon sa kabila ng umano’y banta ng terorismo at pagpapasabog.
Dakong alas-3 ng hapon, binanggit ng mga awtoridad na milyun-milyon pa rin ang sumunod sa prusisyon na nasa Manila City Hall pa lamang na nagsimula dakong alas-8 ng umaga buhat sa Quirino Grandstand matapos ang isang misa na pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle.
Dinoble naman ng Manila Police District ang kanilang heightened alert matapos ngang ibunyag ni Pangulong Aquino ang posibleng pag-atake ng mga terorista, partikular ang Abu Sayyaf.
Personal na pinangunahan ni MPD director Chief Supt. Alex Guttierez ang deployment ng may 1,600 na pulis sa buong naging ruta ng prusisyon. Kasabay naman nito, pansamantalang inalis ng telecommunications companies ang signals sa cellular phones sa ilang lugar, partikular sa dadaanan ng prusisyon sa kadahilanang posible itong gamitin bilang improvised explosive devices.
Ipinagbawal din ng pulisya ang paggamit ng anumang uri ng firecrackers sa prusisyon, gayunman hindi pa rin nagpaawat ang ilan na nagpalipad ng kuwitis.
Ang hindi mahulugang-karayom na prusisyon ang siyang nagpabagal sa prusisyon.
Alas-4 na ng hapon, ang Black Nazarene ay nananatiling nasa Congress building. Inaasahan na lagpas hatinggabi maibabalik ang Itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Bahagyang nagkaroon ng stampede sa pasimula ng prusisyon sa Quirino Grandstand sa Luneta matapos na magpumilit ang ilang deboto na makalapit sa Itim na Nazareno.
Nabatid na bumigay ang steel barriers na naghihiwalay sa mga deboto, na dito na nagsimula ang pagtutulakan kung saan ilan ay nasugatan.
Samantala, isa sa mga gulong ng carriage ng Black Nazarene ang bumigay makaraang magpumilit na sumampa rito ang mga deboto na isa rin sa naging dahilan ng pagbagal ng usad ng prusisyon.
Iniulat naman ng MMDA na umaabot sa 600 deboto ang nasugatan na inaasahan pang tataas ang bilang. Wala namang iniulat na serious injuries. Habang humahapon, nadaragdagan naman ang bilang ng mga deboto na bumabagsak at nahihilo dahil na rin sa siksikan ng mga tao at matindi ring init ng araw kahapon.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nananatiling mabagal ang usad ng prusisyon na inaasahang pasado hatinggabi na maibabalik sa Quiapo Church.
- Latest
- Trending