MANILA, Philippines - Sabog ang utak ng isang estudyante matapos na pagbabarilin sa ulo at katawan ng tatlong di kilalang lalaki habang nagkakabit ng banderitas bilang paghahanda sa kapistahan sa kanilang lugar sa Marikina City kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Antonio Ramirez, 17, binata, estudyante at residente ng 63 Kaolin St., Twin River Subdivision,Barangay Parang, Marikina City, bunsod nang tinamong ‘di mabilang na tama ng bala mula sa di pa tukoy na kalibre ng baril.
Target naman na ng manhunt operation ang tatlong di kilalang suspect na mabilis na tumakas lulan ng dalawang motorsiklo matapos ang krimen.
Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Efren Cantor, ng Marikina City Police, lumilitaw na dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng isang paaralan ng kindergarten sa Barangay Parang, Marikina City habang nagkakabit ang biktima ng banderitas sa kalsada.
Bigla na lang umanong bumaba ng motorsiklo ang tatlo at kaagad na pinaputukan ang biktima na tinamaan sa katawan.
Tinangka pang tumakas ng biktima ngunit hinabol ito ng mga suspect at nang maabutan ay kaagad na niratrat sa ulo na kaagad nitong ikinasawi.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na ang biktima ay miyembro umano ng isang fraternity sa kanilang lugar ngunit inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman ito sa krimen.