Mag-asawa niratrat sa bahay, ginang todas
MANILA, Philippines - Isang babae ang namatay habang kritikal naman ang live-in partner nito makaraang pasukin at pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay, kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.
Dead on the spot ang biktimang nakilala lamang sa pangalang Net-Net habang ginagamot sa Tondo Medical Center ang kinakasama nitong si Gerry delos Eras, 38, kapwa naninirahan sa Agora, North Bay Boulevard, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang tumakas na suspect na nakilala lamang sa alyas na “Boy”, residente rin ng naturang lugar.
Sa inisyal na ulat ng Navotas City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-3 ng madaling- araw sa loob ng bahay ng mga biktima.
Nasa kasarapan ng pagtulog ang mag-asawa nang pasukin ng suspect at bigla na lamang pagbabarilin gamit ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigas- yon ng mga otoridad sa kaso upang mabatid ang motibo ng naturang krimen at paghahanap sa suspect.
- Latest
- Trending