MANILA, Philippines - Maituturing na pang-Guinness World Record ang 9-milyon deboto na dadagsa ngayong araw sa pagdiriwang ng kapistahan ng “Itim na Nazareno” sa Quiapo, Maynila.
Ito naman ang inihayag ni Chief Insp. Erwin Margarejo, spokesman ng Manila Police District (MPD), kung kaya’t triple na rin ang paghahanda ng kapulisan sa tulong ng iba pang mga ahensiya ng lungsod ng Maynila.
Ayon naman kay MPD director Chief Supt. Alex Gutierrez, inaasahan na rin umano nila ang bilang ng mga deboto ng Black Nazareno lalo pa’t hindi lamang sa Maynila ito ipinagdiriwang kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sinabi ni Gutierrez na halos taun-taon umano ay nagdadagdagan ang bilang ng mga deboto batay na rin umano sa kanilang paniniwala at tradisyon ng pamilya. Umaabot lamang sa 7 milyon ang deboto noong nakaraang taon.
Samantala, kahapon pa ng madaling-araw nang simulan ang pahalik sa imahe ng Nazareno de Quiapo bago ito mailipat sa simbahan patungo sa Quirino Grandstand.
Ayon sa “Hijos del Nazareno,” agad sinimulan ang pahalik upang huwag ng humaba ang pila at maiwasan ang siksikan ng maraming deboto.
Magugunitang ala-1:00 ng hapon sinisimulan ang pahalik kaya nagkakabuhol-buhol ang trapiko sa mga kalsadang patungo sa Luneta.
Nais lamang ni MPD Traffic chief, Sr. Supt. Reynaldo Nava na matiyak na hindi maaapektuhan ang maraming motorista sa kapiyestahan ngayon kasabay ng pagpapairal ng rerouting scheme na kanilang ipinatutupad.
Base sa traffic advisory, alas-4:00 ng madaling- araw ngayon ay isasara na sa mga Public Utility Vehicles (PUV) ang southbound lane ng Quezon Blvd., sa Quiapo, Maynila mula Andalucia, Fugoso patungong Plaza Miranda, maging ang España, P. Campa at Lerma.
Ang mga manggagaling ng Quezon City na dumaraan ng España ay kakanan ng P. Campa, kaliwa ng Andalucia, kanan ng Fugoso patungong T. Mapua hanggang sa destinasyon nito.
Gayundin, ang mga manggagaling ng south ay pinapayuhan na lamang na umiwas sa bahagi ng Quiapo, partikular sa daraanan ng prusisyon upang huwag maipit.
Magugunita na noong nakalipas na taon ay umabot sa hanggang 15 oras ang nilakbay ng prusisyon bago nakabalik ang Nazareno sa Simbahan ng Quiapo.
Nabatid na ang ruta ng prusisyon ay magsisimula sa Quirino Grandstand patungong Katigbak drive, diretso sa P. Burgos, kakaliwa sa Taft Avenue, diretso sa Mc Arthur bridge, kanan sa Palanca diretso sa McArthur bridge, kaliwa sa Quezon Boulevard, kanan sa Arlegui, kanan sa Carcer, kanan sa Hidalgo, diretso sa Plaza del Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo lusot sa Puyat, kaliwa sa Guzman, kanan sa Hidalgo, kaliwa sa Barbosa, kanan sa Globo de Oro, diretso sa ilalim ng Quezon Bridge, kanan sa Palanca, kanan sa Villalobos, papuntang Plaza Miranda papasok sa Quiapo Church.
Muling pinayuhan ng MPD ang mga deboto na iwasan magsuot ng alahas, magbitbit ng bata, magdala ng malaking halaga ng salapi, para makaiwas na mabiktima ng mga masasamang elemento.